‘The Flor Contemplacion Story’ REVIEW: Paano Inilawan ang Ilaw ng Tahanan

‘The Flor Contemplacion Story’ REVIEW: Paano Inilawan ang Ilaw ng Tahanan

Eksena ng protesta para kay Flor Contemplacion / Larawan mula sa VIVA Films.

This review is written in Tagalog. An English translation is provided.

Sa Pilipinas, wala nang bago sa isang mapayapang kilos-protestang nauuwi sa isang girian. May ganitong eksena sa unang 25 minuto ng The Flor Contemplacion Story. Lahat ng nakikita natin sa screen ay mga ekstra. Walang silang mga linya; bitbit-bitbit ang kaniya-kaniyang placard at iba pang props. Halatang may iisang instruksyon siguro mula kay Direk Joel Lamangan: “Pagka-action, mag-chant lang kayo ng ‘Flor! Flor! (Nora Aunor)’” Maya-maya, darating si Mayor Vicente (Bob Soler) kasama ang mga pulis at makikipag-usap sila kina Neneng (Jaclyn Jose) at Efren Contemplacion (Julio Diaz).

Literal na agaw-eksena. Kitang-kita ang effort ng buong produksyon. At siyempre, itinatampok nito on-screen ang angking kakayahan ng militansiya at kolektibong aksyon – dalawang bagay na karaniwang hindi makikita sa mga pelikulang galing sa malalaking studio gaya ng Viva. 

Mga cameraman sa loob at labas ng pelikula / Mga larawan mula sa VIVA Films at mga anotasyon ni Sam Arinto.

Kung uulit-ulitin ang eksenang ito, pansin ang mga ekstrang nakabihis-midya; mga umaaligid na reporter at cameramen na kinukunan ang protesta — na sila pa lang ang mga cameramen mismo ng pelikula. 

Itong mumunting camera trick ay hindi lamang “big brain moment;” malamang ay nakatipid pa ang produksyon sa isang rolyo ng sine. Hindi natin malalaman kung sino kina Direk Joel o sa sinematographer nito, na si Romel Vitug, ang nakaisip, ngunit tanda ito ng husay at lebel ng detalye’t pag-iingat ng mga lumikha sa pagsasadula ng totoong buhay ni Flor Contemplacion. 

Sa loob ng dalawang oras, lantad ang papel ng sinematograpiya ni Romel Vitug na nagbibigay-liwanag, sa literal at metaporikal na antas, sa kuwento ng isang ilaw ng tahanan. 

Sa pagtutok at pagtampok

Mga larawan mula sa VIVA Films at anotasyon ni Sam Arinto.

Lagi’t lagi, kalkulado ang bawat frame ng pelikula. Ang mga light source, artipisyal man o natural na sinag ng araw, ay sadyang kalkulado. Hindi sapat ang paglalarawan sa mga ito bilang “malikhain” dahil sa idinadagdag nito sa pangkalahatang ibig sabihin ng eksena. 

Sa paglalaro sa mga anino at ilaw ni Vitug, madaling napupukaw ang mata ng manonood sa mga iniilawang karakter. Bawat emosyon nina Aunor, bawat patak ng luha ni Morales ay mas dama at bumibigat sa ganda ng kuha ng kamera nito. 

Sa pagbibigay-liwanag

Flor Contemplacion, left (Nora Aunor), at Delia Maga, right (Rita Avila), sa isang piitan para sa mga Pinay na OFW. Larawan mula sa VIVA Films.

Kung gaano kasarap sa mata ang pelikula, ganoon din kaingat ang treatment nito sa kuwento – halaw sa mga tunay na pangyayari noong 1995, tungkol sa buhay ni Contemplacion bilang isang domestic helper (DH) sa Singapore, isang ina at asawa, at isang babae. Bitbit din nito ang talas ng komentaryong nais palitawin patungkol sa lipunang Pilipino.

Si Flor ang nakipagsapalaran sa ibang bansa at nagtrabaho, na kadalasang ikinakabit sa istoryotipikal na papel ng isang tatay. Bilang isang DH, maihahalintulad siya sa modernong katumbas ni Joy (Kathryn Bernardo) sa Hello, Love, Again. Parehong mga babaeng piniling magsakripisyo at tiisin ang pag-aalaga sa ibang pamilya upang maalagaan ang kanilang sariling pamilya.  

Pagtutulong-tulungan ng kababaihan at pag-intindi sa isa’t isa ang pinalilitaw na naratibo. May nuance sa kanilang mga relasyon bilang mga babae. Sina Flor (Aunor) at Neneng (Jose) ay may pagkakaintindihan at respeto sa bawat isa labas sa pagiging kirida o kabit ng nakababatang dalaga. Ang kapwa OFW ni Flor, si Virgina Parumog (Rita Avila), ay naiipit sa parehong sitwasyon at kasama sa piitan. Si Russel Contemplacion (Vina Morales) ay bunsong anak ni Flor na lumaking wala sa piling ng kanyang nanay ngunit lumaki sa kanyang lola (Gloria Sevilla).

March 27, 1995 Manila Standard broadsheet para kay Flor Contemplacion. Mula sa Google Newspapers.

Binabalot ng complexity ang mga babaeng karakter sa gitna ng kanilang hinaharap na realidad at problemang nais lagpasan. At ang pinakaibubuod at pinakapinupunto ng pelikula ay ang paglalathala ng pagka-walang-sala ni Contemplacion sa isang krimeng kanyang inako upang protektahan ang kaniyang kapwa babae at kapwa DH na si Delia Maga (Amy Austria).  

Talamak ang usapin pagdating sa mga biyograpikal na pelikula, lalo na sa Hollywood. Kesyo kung totoo bang nangyari ang mga naisapelikula o pag-e-exaggerate lamang sa buhay ng isa nang sikat na personalidad, halimbawa, si Elvis Presley o si Yukio Mishima o ‘di naman kaya si Oskar Schindler. Sa kaso ni Flor Contemplacion at sa pelikulang marapat lamang na ipinangalan sa kanya, nabigyang-buhay at nabigyang-hustisya ang kanyang kuwento — na sa kasamaang-palad ay nauulit pa rin hanggang sa kasalukuyan — bilang isang OFW na naging martyr at bilang isang ilaw ng tahanan sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag sa kanyang kuwento at mga ilaw na pinailaw ng crew at ni Romel Vitug.

Mapapanood nang libre sa YouTube ang pelikulang The Flor Contemplacion Story.

MORE FILM REVIEWS

MORE TV REVIEWS

MORE FEATURES

Summary Block
This block has no content yet. Items you add to the page connected to this block will display here.
Next
Next

Sine Kabataan 9 OMNIBUS REVIEW