‘Love You So Bad’ REVIEW: Panoorin Mo Lang Kung Trip Mong Marindi

‘Love You So Bad’ REVIEW: Panoorin Mo Lang Kung Trip Mong Marindi

Dustin Yu, Bianca de Vera at Will Ashley sa Love You So Bad / Still courtesy of Star Cinema / Regal / GMA Pictures

This review is written in Tagalog. An English translation is provided.

Aaminin ko na agad na hindi ako fan ng alinman sa dalawang love team na binida sa pelikulang ito. Hindi dahil ayoko sa kanila, pero dahil hindi ako nagkaroon ng pakialam o interes pagdating sa love team culture dito sa ‘Pinas. 

Pero bilang mambabasa sa rebyu na ito, mapapatanong kayo: bakit ko pa piniling panoorin ‘to kung hindi ako ang target demographic? 

Ang sagot ko lang diyan: wala naman sa target demographic kung magiging maganda ang pelikula sa paningin ng manonood. Oo, pwede siyang mag-udyok sa’yo na panoorin ang palabas, pero hindi dapat yun ang rason. Minsan, trabaho mo din mapanood ang kahit anong palabas, kahit na ‘di mo alam kung magugustuhan mo ito o hindi. 

Subalit sa unang minuto pa lang ng pelikulang ito, nagsisi na ako.

Will Ashley at Bianca de Vera sa Love You So Bad | Still courtesy of Star Cinema / Regal / GMA Pictures

“My name is Savannah. My life is a vibe.” Ito ang nakakarinding opening line ng Love You So Bad, noong ipinakilala agad ang karakter ni Bianca de Vera na si Vanna. Siya'y isang college senior na merong dala-dalang problema sa pamilya, at dinadaan niya na lang ito sa inom at party. Isa din siyang influencer na merong hugot: pagdating sa pag-ibig, ibibigay niya ang lahat ng meron siya, kahit na napapabayaan na niya ang sarili nya.

Ang unang love interest ni Vanna na pinakilala ay si LA (Dustin Yu). Isa siyang typical na bad boy. Meron din siyang pinagdadaanan na may kinalaman sa pamilya at direksyon sa buhay, kaya doon nagkaroon sina Vanna at LA ng intindihan, koneksyon at suporta sa isa't isa. Pero dahil pareho nilang dinadaan sa bisyo ang mga problema nila, naging mapait ang kanilang pagsasama, at sa hiling ng estranged mother ni Vanna, humiwalay si LA sa kanya. 

Bigla namang pumasok sa eksena ang pangalawang love interest naman ni Vanna, si Vic. Siya'y isang student campus president, at responsableng mag-aaral. Lider din siya sa thesis group ni Vanna. Nagsimula ang relasyon nila sa isang scandal na namunga sa isang ‘di pagkakaintindihan, pero agad nilang tinotoo pagkatapos ng isang maingay na alitan sa harap ng maraming estudyante. 

Sa maikling salita, maraming gustong gawin ang Love You So Bad. May mga problema sa pag-ibig at may mga problema sa pamilya. Ang malaking kaso nga lang, masyadong mabilis ang pagbabahagi ng lahat ng relasyon, karakter at storyline. ‘Di man lamang hinimay-himay, basta bato lang ng bato; bahala na sa audience kung sasapul ba sa ulo nila o hindi. Nung umalis nga ako sa sinehan, wala akong dala-dala na galing sa pelikula, maliban lang sa naririndi kong mga tainga.

Hindi rin nakatulong na walang dimensyon ang mga tauhan. Kasing nipis ng plastik ang karakterisasyon. Mas inuna pa ang mga eksenang pampakilig, pero ‘di naman kakilig-kilig kasi ‘di naman kapani-paniwala ang mga pangyayari. Merong drama sa pamilya, pero gaya ng sinabi ko, wala siyang nabuong matibay na pundasyon para sa mga eksena na yun, kaya wala silang impact. Kung may talento ang mga aktor at aktres sa pelikula, hindi ko nakitaan sapagkat mababaw at bara-bara ang iskrip na binigay sa kanila.

Bianca de Vera at Dustin Yu sa Love You So Bad | Still courtesy of Star Cinema / Regal / GMA Pictures

Pero kumpara sa Rewind mula rin kay direk Mae Cruz-Alviar, mas katawa-tawa itong Love You So Bad. Maliban sa kakornihan nya, meron ding siyang isa pang subplot kung saan nasa thesis era itong sina Vanna at Vic. May moment na na-late silang dalawa sa thesis proposal defense nila, at galit na galit ang propesor nila, pero pagkatapos ng presentasyon nila, hindi naman sila ginisa. Palakpakan pa nga sila, walang tanong o kahit ano. Maya’t maya, nagsabi pa ‘tong sila Vic na gusto nilang mag-best thesis; pinili pa nga nilang area of study ang hacienda ni Vic sa South Cotabato. Pero pagdating naman nila, wala naman silang ginawa kundi maglandian at mamasyal ang magjowa habang todo-hiyaw naman sa tabi-tabi ang mga kagrupo nila

Kung ang biggest takeaway ko sa Rewind ay: "Mas mabuti nang mamatay na si Dingdong kung gaganda naman ang buhay nila Marian." Sa Love You So Bad naman, "Okay lang sa mga kagrupo mo sa thesis kung jojowain mo yung marupok na lasingera sa grupo mo, dahil hacienda mo naman ang research locale niyo.” 

At kung isipin niyo na parang nilaro ko lang ang rebyu ko sa pelikula, eh parang nilaro lang kasi ng pelikula ang oras ko. Walang katuturan, walang bahid na katotohanan. 

Kaya ang payo ko lang sa mga manonood: mas mabuti pang alagaan mo na lang ang sarili mo kaysa panoorin mo ‘to nang may kasama pa.

Ang ‘Love You So Bad’ ay huling ipinalabas bilang bahagi ng lineup ng 2025 Metro Manila Film Festival.

MORE FILM REVIEWS

MORE TV REVIEWS

MORE FEATURES

Summary Block
This block has no content yet. Items you add to the page connected to this block will display here.
Previous
Previous

‘Wake Up Dead Man’ REVIEW: A surprisingly poignant and fun mystery

Next
Next

‘Scarlet’ REVIEW: Life After Life